Laya


 Nagugulumihanan ang kalooban,
Mga bulong ng isip ay hindi ko masundan,
Mga katanungang bumabalot sa isipan,
Nais nang mahanap ang kasagutan

Bilog nga ba ang mundo?
Sabi nila'y oo,
Ngunit hindi ko ramdam ito,
Tila ba tayo ay niloloko,
Ng mundo o baka ng tao,
Ang akala kong bilog ay mistulang tatsulok

Ang kalayaan ay tila nasa mga mayayaman,
Mga simpleng mamamaya'y paano naman?
Akala ko ba bilog ang mundo?
Akala ko ba'y nakamtan na ang layang inaamsam ng katulad ko?
Ngunit bakit tila isa akong preso,
Nakukubli sa isang kwadrado,
Nakakulong sa bulok na rehas na ito--
Bulok na sistema ng paghatol sa tao

Akala ko ba'y laya na tayo?
Ngunit bakit ang mga pakpak ng marami'y sinusunog,
Hindi makalipad ng malayo,
At hindi makatakbo;
Hinihila pababa at walang pag-asang makaabot sa tuktok,
Paano nga ba ito?
May solusyon pa ba para rito?
Makakalaya ba ako?

Hindi patas!
Ang mga pantas na humuhusga,
Wala yatang maibigay na pantay na hustisya,
Basta mayroon kang maipamumulsa,
Sa paningin nila'y malinis ka

Akala ko'y tapos na ang laban ni Bonifacio,
Kalayaan ay napasa-kamay ko,
Ngunit mali pala ako,
Ang tanging kalayaan natin ay nasa puso na mismo ng tao,
Magiging malaya na lang ako,
Sa oras na inisip ko.



Comments

Popular posts from this blog

Again

Home is a feeling, not a building