Para sa Pag-iibigang Hanggang Umpisa Lang





Hindi talaga ako mahilig sa mahabang titulo,
Titulo na katulad ng akda kong ito,
Ngunit mabuti pa nga ito ay may titulo

Tayo kaya? 
Kailan tayo magkakaroon nito?

Sinabi ko sa iyo ang nararamdaman ko,
Gusto kita kako,
Gusto mo rin ako sabi mo,
Laking tuwa ko sa pag-amin mo

Ngunit sabi nila, iba ang mahal sa gusto;
Kagaya ng gusto mo ako ngunit ang mahal mo'y hindi ako,
Nakakatanga, nakakapanlumo
Hanggang gusto lang ba ako sa 'yo?

Ano bang panghahawakan ko sa sinabi mo?
Anong laban ko sa taong minamahal mo?
Kailan ba magiging ako?
Hiling ko na sana'y ako naman ang piliin mo

Nahihirapan na ang puso ko,
Dati nama'y hindi ako ganito,
Puso ko noon sa iyo'y kalmado,
Ngayo'y sa bawat araw ay kabado

Paano na ako?
Paano ako kung siya pa rin ang pipiliin mo?

Akala ko magiging masaya ako,
Damdamin nati'y sa wakas ay pareho,
Ngunit, sino nga ba ako sa 'yo?
Ano nga ba ang mayroon tayo?

Bakit ba kasi naisipan pa itong laro?
Pati tuloy tadhana'y nakipaglaro,
Damdamin ko ngayo'y gulong-gulo,
Hindi na mapakali nang dahil sa 'yo

Ang dami kong bakit
Bakit kaya sa iyo ako'y naakit?
Ako ba sa kaniya'y pampalit?
Natatakot na ang sagot ay iyong masambit

Hanggang umpisa na nga lang ba?
Gitnang kwento'y tila malabo pa,
Parang ang pagtatapos ay mas malinaw pa,
Baka nga hindi tayo ang para sa isa't-isa,
Pinagtagpo tayo, ngunit hindi itinadhana

Sa iyo pa nga ba'y aasa pa?
Puso ko'y durog na durog na

Kung pwede lang sana,
Iniwasan na kita noong umpisa,
Hindi na sana nangangamba

Paano na nga ba maiiwasan pa,
Kung unti-unting ako'y nahuhulog na?
Ang tanong ko sana sa 'yo,
Handa ka bang saluhin ako?

Laking gulat ko,
Teka, bakit nagulat pa ako?
Damdamin nati'y hindi talagang pareho,
Alam ko,
Hindi ka handang ako'y saluhin mo,
Kaya ngayo'y magpapaalam na muna sa 'yo.


Comments

Popular posts from this blog

Sundin Mo Ang Puso

Again

Home is a feeling, not a building